RSV Infection (Bronchiolitis)

Ang bronchiolitis ay isang impeksiyon ng virus. Naaapektuhan nito ang maliliit na tubo ng hangin sa baga (bronchioles). Kadalasang sanhi ito ng respiratory syncytial virus (RSV). Nangyayari ito karamihan sa mga sanggol na wala pang 2 taong gulang. Maaaring magkaroon ng virus na ito ang mas matatandang bata at mga adulto, ngunit nararamdaman ito na tulad lamang ng karaniwang sipon para sa kanila.
Nakakahawa ang virus na ito sa mga unang araw. Naikakalat ito sa hangin sa pamamagitan ng pag-ubo o pagbahin. Maaari din itong maikalat sa pamamagitan ng direktang pagkontak. Maaaring ito ay sa pamamagitan ng paghawak sa iyong maysakit na anak, pagkatapos ay paghawak sa sarili mong mga mata, ilong, o bibig. Mapabababa ng paghuhugas nang madalas ng iyong mga kamay ang panganib ng pagkalat nito sa iba.
Karaniwang nagsisimula ang sakit na ito sa isang sipon, lagnat, at pagbara ng ilong. Pagkalipas ng ilang araw, kakalat ang virus sa bronchioles. Nagdudulot ito ng medyo pagsipol at mabilis na paghinga nang hanggang 7 araw. Ang pagbara ng ilong at pag-ubo ay maaaring tumagal ng hanggang 2 linggo. Karaniwang hindi kailangan ang mga gamot na antibayotiko para sa ganitong sakit. Maaaring ireseta ang mga ito kung magkaroon ang iyong anak ng impeksiyon sa bakterya, tulad ng pulmonya o impeksiyon sa tainga. Maaaring makatulong ang mga gamot na ginagamit upang gamutin ang baga o kondisyon sa paghinga, gaya ng bronchopulmonar dysplasia (BPD) o hika na mapaginhawa ang mga sintomas ng RSV. Nagbibigay ng suporta ang paggamot sa impeksiyon na RSV. Pangunahing layunin ang pagpapanatili ng magandang antas ng oxygen at pagsiguro na may sapat na mga likido at nutrisyon ang bata.
Pangangalaga sa tahanan
Sundin ang mga tagubilin na ito kapag nangangalaga sa iyong anak sa iyong tahanan:
-
Maaaring magreseta ng mga gamot ang tagapangalaga ng kalusugan ng iyong anak para gamutin ang pagsipol. Sundin ang mga instruksyon para sa pagbibigay ng mga gamot na ito sa iyong anak.
-
Gamitin ang acetaminophen na pambata para sa lagnat, pagka-irita, o kawalang-ginhawa, maliban kung may iniresetang ibang gamot. Sa mga sanggol na mahigit 6 na buwan ang edad, maaari kang gumamit ng ibuprofen o acetaminophen na pambata. Kung mayroon ang iyong anak ng hindi gumagaling na sakit sa atay o bato, makipag-usap sa tagapangalaga ng kalusugan ng iyong anak bago gamitin ang mga gamot na ito. At, makipag-usap sa tagapangalaga kung nagkaroon ang iyong anak ng ulser sa sikmura o pagdurugo sa pantunaw. Huwag kailanman magbigay ng aspirin sa sinumang mas bata sa 18 taong gulang na may sakit sanhi ng impeksiyon ng virus o lagnat. Maaari itong magdulot ng malubhang kondisyon na tinatawag na Reye syndrome. Maaari itong magdulot ng malalang pinsala sa atay o sa utak.
-
Hugasang mabuti ang iyong mga kamay gamit ang sabon at malinis na dumadaloy na tubig bago at pagkatapos asikasuhin ang iyong anak. Makakatulong ito upang maiwasan ang pagkalat ng impeksiyon.
-
Bigyan ang iyong anak ng maraming panahon na makapagpahinga.
-
Mga batang 1 taong gulang at mas matanda: Gumamit ng dagdag na unan upang itaas ang ulo ng iyong anak at tuwid ang itaas na katawan habang nakahiga. Maaari nitong gawing mas madali ang paghinga. Makipag-usap sa tagapangalaga ng kalusugan ng iyong anak tungkol sa kung gaano itataas ang ulo ng iyong anak.
-
Mga sanggol na mas bata sa 12 buwan: Huwag kailanman gumamit ng mga unan o patulugin ang iyong sanggol nang nakadapa o nakatagilid. Dapat matulog nang nakatihaya ang mga sanggol na mas bata sa 12 buwan. Huwag gumamit ng mga upuan na pangkotse, stroller, swing, baby carrier, at baby sling para sa pagtulog. Kung makatulog ang iyong sanggol sa isa sa mga ito, ilipat siya sa isang patag at matatag na ibabaw sa lalong madaling panahon na magagawa mo.
-
Tulungan ang iyong mas matandang anak na suminga nang mabuti. Maaaring ipayo ng tagapangalaga ng kalusugan ng iyong anak ng pampatak sa ilong na saline para tulungang panipisin at tanggalin ang mga nasa ilong niya. Mabibili ang mga saline na pamatak sa ilong nang walang reseta. Maaari kang maglagay ng 2 hanggang 3 patak ng tubig-alat (saline) na pamatak sa ilong sa bawat butas ng ilong bago suminga ang iyong anak. Laging maghugas ng mga kamay pagkatapos humawak ng ginamit na mga pamunas.
-
Para sa mas batang mga anak, sipsipin ang mucus mula sa ilong gamit ang saline na pamatak sa ilong at maliit na pansipsip sa ilong (bulb syringe). Makipag-usapa sa tagapangalaga ng kalusugan ng iyong anak o parmasyotiko kung hindi mo alam kung paano gumamit ng bulb syringe. Laging maghugas ng mga kamay pagkatapos gumamit ng bulb syringe o humawak ng ginamit na pampunas (tissue).
-
Upang maiwasan ang pagkawala ng tubig sa katawan (dehydration) at makatulong na paluwagin ang mga plema sa baga sa mga paslit at mas matandang bata, painumin ng maraming likido ang iyong anak. Marahil mas gusto ng iyong mga anak ng malamig na inumin, nagyeyelong mga panghimagas, o ice pops. Maaaring gusto rin nila ang mainit na sabaw o inumin na may lemon at pulot. Huwag bigyan ng pulot ang iyong nakababatang anak na wala pang 1 taong gulang.
-
Upang maiwasan ang pagkawala ng tubig sa katawan (dehydration) at makatulong na paluwagin ang mga plema sa baga sa mga sanggol na wala pang 1 taong gulang, painumin ng maraming likido ang iyong anak. Gumamit ng pampatak ng gamot, kung kailangan, para magbigay ng kaunting gatas ng ina, formula, o oral rehydration solution sa iyong sanggol. Bigyan ng 1 hanggang 2 kutsarita kada 10 hanggang 15 minuto. Ang sanggol ay maaari lamang pakainin nang pasaglit-saglit. Kung ikaw ay nagpapasuso, kumuha at magtabi ng gatas para ipasuso sa kanya sa ibang panahon. Bigyan ang iyong anak ng oral rehydration solution sa pagitan ng mga pagpapakain. Mabibili ito sa mga grocery store at botika nang walang reseta.
-
Para mas maginhawa ang paghinga habang natutulog, gumamit ng malamig na pasingaw (cool-mist humidifier) sa silid ng iyong anak. Linisin at patuyuin ang humidifier araw-araw upang maipigilan ang paglago ng bakterya at amag. Huwag gumamit ng pasingaw ng mainit na tubig (hot-water vaporizer). Maaari itong makapaso. Maaari ding makaramdam ng ginhawa ang iyong anak kung uupo sa may singaw na banyo (steamy bathroom) nang hanggang 10 minuto.
-
Huwag magbigay ng mga nabibili ng walang reseta (over-the-counter) na gamot sa ubo at sipon sa mga bata na wala pang 6 taong gulang malibang partikular na ipinayo ng iyong tagapangalaga ng kalusugan na gawin iyon. Ang mga gamot na ito ay maaaring magdulot ng malubhang masasamang epekto, lalo na sa mga sanggol na wala pang 2 taong gulang. At hindi tumutulong ang mga gamot na ito na mapaginhawa ang mga sintomas.
-
Ilayo sa usok ng sigarilyo ang iyong anak. Maaaring palalain ng usok ng sigarilyo ang mga sintomas na nararanasan ng iyong anak.
Follow-up na pangangalaga
Mag-follow up sa iyong tagapangalaga ng kalusugan ayon sa ipinayo.
Kung nagpa-X-ray ang iyong anak, susuriin ito ng tagapangalaga ng kalusugan. Sasabihan ka kung may anumang bagong natagpuan na makaaapekto sa pangangalaga sa iyong anak.
Kailan hihingi ng medikal na payo
Tumawag kaagad sa tagapangalaga ng kalusugan ng iyong anak kung alinman sa mga ito ang mangyari:
-
Lagnat (tingnan ang Lagnat at mga bata, sa ibaba)
-
Nawawalan ng gana ang iyong anak o kaunti ang nakakain
-
Masakit ang tainga ng iyong anak, sumasakit ang sinus, naninigas o sumasakit ang leeg, masakit ang ulo, paulit-ulit na pagtatae, o pagsusuka
-
May lumilitaw na mga bagong pantal
Tumawag sa 911
Tumawag sa 911 kung mangyari ang alinman sa mga ito:
-
Lumalalang hirap na paghinga
-
Mabilis na paghinga, tulad ng mga sumusunod:
-
6 Na linggo pagkapanganak: mahigit 60 hinga kada isang minuto.
-
6 na linggo hanggang 2 taong gulang: mahigit 45 hinga kada isang minuto.
-
3 hanggang 6 na taong gulang: mahigit 35 hinga kada isang minuto.
-
7 hanggang 10 taong gulang: mahigit 30 hinga kada isang minuto.
-
Lampas sa 10 taong gulang: mahigit 25 hinga kada isang minuto.
-
Nagkukulay asul, lila, o abo ang mga labi o mga kuko
-
Mga senyales ng pagkawala ng tubig sa katawan. Kabilang dito ang panunuyo ng bibig, umiiyak nang walang luha, pag-ihi nang mas kaunti kaysa normal, o walang basang lampin sa loob ng 8 oras para sa mga sanggol
-
Hindi pangkaraniwang pagkairita, pagkahilo o pagkabalisa
Lagnat at mga bata
Gumamit ng digital na thermometer para suriin ang temperatura ng iyong anak. Huwag gumamit ng mercury thermometer. Mayroong iba't ibang uri at gamit ang mga digital na thermometer. Kabilang sa mga ito ang:
-
Sa puwit. Para sa mga batang wala pang 3 taong gulang, pinakatumpak ang temperatura sa puwit.
-
Noo (temporal). Gumagana ito sa mga batang nasa edad na 3 buwan at mas matanda. Kung may mga senyales ng sakit ang batang wala pang 3 buwang gulang, maaari itong magamit bilang unang pass. Maaaring nais kumpirmahin ito ng tagapangalaga gamit ang temperatura sa puwit.
-
Tainga (tympanic). Tumpak ang temperatura sa tainga pagkatapos ng edad na 6 na buwan, ngunit hindi bago ang edad na ito.
-
Kili-kili (axillary). Ito ay hindi gaanong maaasahan ngunit maaaring magamit para sa unang pass upang tingnan ang batang anuman ang edad na may mga palatandaan ng sakit. Maaaring nais kumpirmahin ito ng tagapangalaga gamit ang temperatura sa puwit.
-
Bibig (oral). Huwag gumamit ng thermometer sa bibig ng iyong anak hanggang sa siya ay hindi bababa sa 4 na taong gulang.
Gamitin ang thermometer sa puwit nang may pag-iingat. Sundin ang mga direksyon ng gumagawa ng produkto para sa tamang paggamit. Dahan-dahan itong ipasok. Pangalanan ito at tiyaking hindi ginagamit sa bibig. Maaari din itong magpasa ng mga mikrobyo mula sa dumi. Kung hindi ka OK sa paggamit ng thermometer sa puwit, itanong sa tagapangalaga ng kalusugan kung anong uri ang gagamitin sa halip. Kapag makikipag-usap ka sa sinumang tagapangalaga ng kalusugan tungkol sa lagnat ng iyong anak, sabihin sa kanya kung anong uri ang ginamit mo.
Nasa ibaba ang kung kailan dapat tumawag sa tagapangalaga ng kalusugan kung may lagnat ang iyong anak. Maaari kang bigyan ng tagapangalaga ng kalusugan ng iyong anak ng iba’t ibang numero. Sundin ang kanyang mga tagubilin.
Kailan dapat tumawag sa tagapangalaga ng kalusugan tungkol sa lagnat ng iyong anak
Para sa isang sanggol na wala pang 3 buwang gulang:
-
Una, itanong sa tagapangalaga ng kalusugan ng iyong anak kung paano mo dapat kuhanin ang temperatura.
-
Puwit o noo: 100.4°F (38°C) o mas mataas
-
Kili-kili: 99°F (37.2°C) o mas mataas
-
Lagnat na ___________ayon sa ipinayo ng tagapangalaga
Para sa batang edad 3 buwan hanggang 36 na buwan (3 taon):
-
Puwit o noo: 102°F (38.9°C) o mas mataas
-
Tainga (ginagamit lamang sa edad na higit sa 6 na buwan): 102°F (38.9°C) o mas mataas
-
Lagnat na ___________ ayon sa ipinayo ng tagapangalaga
Sa ganitong mga kaso:
-
Temperatura sa kili-kili na 103°F (39.4°C) o mas mataas sa isang bata anuman ang edad
-
Temperatura na 104°F (40°C) o mas mataas sa isang bata anuman ang edad
-
Lagnat na ___________ ayon sa ipinayo ng tagapangalaga